nandito ka
Gamot Sa Kulugo: Paggamot Na Maaaring Gawin Sa Bahay Tips Para Gumanda 

Gamot Sa Kulugo: Paggamot Na Maaaring Gawin Sa Bahay

Sino ba sa atin ang hindi nakakaalam kung ano ang kulugo? Ang kulugo ay isa sa pinakapopular at nakakahiyang sakit sa balat na maaaring dumapo sa atin. Ito ay isa rin sa sakit sa balat na napakahirap na hanapan ng solusyon. Ikaw ba ay may kulugo? Narito ang ilan sa mga impormasyon na dapat mong malaman:

  • Ano ang kulugo?
  • Ano ang sanhi ng kulugo?
  • Ano ang mga sintomas ng kulugo?
  • Kailan dapat sumangguni sa doktor?
  • Ano ang gamot sa kulugo?
  • Paano ba makaiiwas sa kulugo?

Ano ang kulugo?

Ang kulugo o warts ay mga butlig na tumutubo sa balat na sanhi ng isang uri ng mikrobyo na kung tawagin ay human papillomavirus o HPV. Ang mga tao ay pinahihirapan na ng kulugo sa loob ng ilang libong taon. Ang ilang mummy na nahukay sa Ehipto ay kinakitaan ng mga sintomas ng kulugo. Bagaman ang pagkakaroon ng kulugo ay hindi gaanong dapat ikabahala, ang pagkakaroon ng kulugo ay nakakahiya, pinandidirihan at sa ilang kaso, ay lubhang masakit at nakasasagabal sa mga gawain.

May mahigit 100 uri ng HPV, ang virus na sanhi ng kulugo. Tulad ng nasabi na, ang karamihan sa mga uri ng kulugo ay hindi gaanong dapat ikabahala, lalo na kung ito ay tumutubo lamang sa kamay o paa. Subalit may ilang kulugo na maaring tumubo sa ari o sa paligid nito. Sa mga kababaihan, ang kulugong ito ay tinatawag na genital warts, na maaaring mauwi sa cervical cancer. Ang cervical cancer ay nakamamatay na sakit, kaya kung sa tingin mong ikaw ay may kulugo sa ari o malapit dito, magpatingin agad sa iyong pinagkakatiwalaang doktor.

Mga uri ng kulugo

May limang iba’t ibang uri ng kulugo depende sa kung saan sa iyong katawan ito tumubo. Iba-iba rin ang itsura ng bawat uri ng kulugo.

  1. Ordinaryong kulugo – Ang ordinaryong kulugo ay kadalasang tumutubo sa mga daliri ng kamay at paa. Ito ay magaspang at may bilog na hugis. Ang ordinaryong kulugo ay mas kulay abo kumpara sa nakapalibot na balat.
  2. Kulugong Plantar – Ang kulugong ito ay tumutubo lamang sa sakong ng paa. Hindi katulad ng ibang kulugo, ang kulugong plantar ay tumutubo sa mismong balat at hindi umuusli. Kung mapansin mo na ang iyong paa ay may maliliit na butas na napapaligiran ng nanigas na balat, malamang na ikaw ay nahawa ng ganitong uri ng kulugo.
  3. Kulugong patag – Ang kulugong ito ay madalas tumubo sa mukha, balakang at sa braso. Ito ay maliliit at hindi madaling mahalata. Ang kulugong ito ay patag o flat na para bang ito ay kinayod.
  4. Kulugong filiform – Ang kulugong ito ay maaaring tumubo sa ilalim ng bibig o ilong at kung minsan ay sa leeg o sa ilalim ng baba. Ito ay maliliit at para bang mga maliliit na mga daliri na nakadikit sa balat. Ito ay kadalasang magkasing kulay ng iyong balat.
  5. Kulugong periungual – Ang kulugong ito ay tumutubo sa ilalim ng mga kuko ng mga kamay at paa. Napakasakit na magkaroon nito anupat nakakaapekto sa pagtubo ng mga kuko.

Kailan ba dapat sumangguni sa doktor?

Pumunta agad sa doktor kapag:

  • May kulugo sa mukha o sa iba pang sensitibong bahagi ng katawan tulad ng ari, bibig at butas ng ilong
  • Napansin mong nagdurugo ang iyong kulugo o kaya may napansin kang sintomas ng impeksyon tulad ng nana sa palibot ng kulugo
  • Ang kulugo ay masakit
  • Nagiiba-iba ang kulay ng kulugo
  • Kung ay may kulugo at diabetes o kaya naman ay may kakulangan sa immune system, may sakit na AIDS o HIV

Bagaman ang kulugo ay umaalis din ng kusa, ang pagkakaroon ng kulugo ay maaaring nakasasagabal at nakakadiring tingnan kaya baka gustuhin mong gamutin ito sa bahay. Maramang kaso ng kulugo na nagamot sa pamamagitan ng mga kaalaman sa panggagamot sa bahay.

Narito ang ilan sa mga dapat tandaan bago gumawa ng anumang hakbang:

  • Maaaring maikalat moa ng kukugo sa iba pang bahagi ng iyong katawan. Ito ay nakakahawa din sa iba. Kung ang paggamot dito ay nangangailangang kuskusin ito ng fingernail file, huwag na itong gamitin sa iba pang bahagi ng katawan, huwag na itong ipagamit sa iba.
  • Huwag mong gagalawin ang iyo ng kulugo sa paa kung ikaw ay may diabetes. Komunsulta sa iyong doktor. Ang diabetes ay maaring sanhi ng pagkamanhid sa paa mo. Maaari mong ikasugat ang paggalaw sa kulugo ng hindi mo namamalayan kung ikaw ay may diabetes.
  • Huwag susubukang alisin ang kulugo sa mukha o sa iba pang sensitibong bahagi ng katawan tulad ng ari, bibig o butas ng ilong.

Ano Ang Gamot Sa Warts?

May mga paraan ng paggagamot sa kulugo na maaari mong gawin kahit nasa bahay ka lang.
Pagpaso o paghilap – May ilang tao na nagtatanggal ng kulugo sa pamamagitan ng pag paso o paghilap dito. Subalit magingat na hindi masaktan ang sarili o mauwi sa impeksyon ang gagawing pag-alis ng kulugo.

Salicylic acid – Ang ilan naman ay gumagamit ng salicylic acid ng ilang ulit, ipinapahid ito sa kulugo ng ilang beses hanggang sa ito ay matuyo at mawala. Mas makabubuti na ibabad muna sa tubig ng 15 minuto ang kulugo bago pahidan ng salicylic acid. Ang gamutang ito ay maaaring magtagal ng isa hanggang dalawang linggo.

Duct tape – May ilang website din na nagsasabi na ang paglalagay ng duct tape sa kulugo sa loob ng ilang araw at pagbabad nito sa tubig ay nakapag-aalis ng kulugo. Ang paraang ito ay nangangailangan na ulitin sa loob ng ilang araw para makita ang epekto.

Paano kung hindi umubra ang mga pamamaraang ito? May magagawa ba ang mga doktor upang maalis ang kulugo? Oo. Pwede nilang isagawa ang ilang proseso tulad ng:

Paggamit ng liquid nitoren – ang iyong kulugo ay maaaring i-freeze ni dok gamit ang liquid nitrogen. Ito ay maaring maging napakasakit ngunit epektibong paraan upang maalis ang kulugo. Maaaring ulit-ulitin ang prosesong ito upang makita ang resulta.

Pag-oopera – Ang pagoopera ay isasagawa lamang ng doktor kung nasubukan mo na ang lahat ng iyong magagawa ngunit bigo ka na tanggalin ang kulugo. Maaaring hilapin ng doktor ang kulugo gamit ang surgical knife o kaya naman kuryentehin ang kulugo. Siyempre, kailangan ka munang turukan ng pampamanhid para di mo maramdaman ang sakit. Ang ganitong uri ng paggamot ay maaaring mag-iwan ng pilat sa balat.

Paano ba maiiwasan ang kulugo?

May mga paraan upang maiwasan moa ng kulugo. Kung ikaw ay meron na nito, may mga paraan din upang hindi na ito humawa pa sa ibang bahagi ng iyong katawan at sa ibang mga tao.

  • Maghugas ng kamay ng ilang ulit sa loob ng isang araw, lalo na kung nakahalubilo ag isang taong may kulugo
  • Huwag pipisain ang kulugo
  • Takpan ang kulugo ng bandage
  • Panatilihing tuyo ang mga paa at kamay
  • Magsuot ng tsinelas kapag nasa pampublikong paliguan o palikuran

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Gamot Sa Kulugo: Paggamot Na Maaaring Gawin Sa Bahay
4.2 (84%) 20 votes

Lazada Philippines