nandito ka
Paano Magpaputi sa Natural na Paraan Tips Para Pumuti 

Paano Magpaputi sa Natural na Paraan

Ang mga babae ay likas na conscious sa kanilang pangangatawan at maraming gusting maachieve sa kanilang mga sarili. Kabilang na dito ang pagpapaputi. Bilang mga Pilipino, tayo ay may kayumangging kulay. Marami sa atin ang gustong magpaputi. Isa ka ba sa kanila? Paano nga ba magpaputi?

Maraming ibinibentang produkto na pampaputi sa merkado. Ngunit ang ilan sa mga ito ay may mga hindi magandang naidudulot sa katawan dahil sa nilalaman nitong mga kemikal. Bakit hindi mo subukang magpaputi sa natural na paraan? Makakatipid ka pa ng pera at hindi nakakasama sa iyo.

Paano magpaputi sa natural na paraan?

Ang mga bagay na kadalasang nakikita sa iyong tahanan ay maaari palang gamitin bilang pampaputi. Narito ang ilan sa mga ito:

  • Yogurt – Ang yogurt ay isang produktong galing sa gatas. Ito ay naglalaman ng maraming sustansya para sa iyong balat. Mayroon din itong lactic acid na nakakatulong sa pagpapaputi. Paano gamitin ang yogurt sa pagpapaputi? Una, maaari itong ikuskos agad sa balat ng puro. Hayaan ito sa balat ng ilang minuto bago hugasan gamit ang maligamgam na tubig. Gawin ito isang beses sa isang araw at mapapansin mo ang magandang resulta sa loob ng ilang linggo ng paggamit nito. Pangalawa, ihalo ang 1 kutsarang yogurt sa kalahating kutsara ng honey. Ilapat ito sa mukha at leeg. Hayaan ito ng sampung hanggang labinlimang minute bago hugasan ng tubig. Gawin ito ng isang beses sa isang araw. Pangatlo, maaari ding ipaghalo ang lemon juice at oatmeal sa yogurt upang makagawa ng paste at ilapat ito sa mukha. Magsisilbi itong face mask na makakatulong na maging moisturized at malambot ang mukha.
  • Honey – Kadalasang dahilan ng pangingitim ay ang pagiging dry ng balat. Ang honey ay nagsisilbing moisturizer upang maiwasan ang panunuyo ng balat. Nagsisilbi din itong antibacterial na nakakatulong upang mabawasan ang mga age spots at acne scars. Paano ba gamitin ang honey? Una, Maglapat ng purong honey sa mukha at hayaan ito ng ilang minuto bago hugasan gamit ang maligamgam na tubig. Nakakatulong ito na maalis ang mga dead cells ng balat at maging mas maaliwalas ang iyong mukha. Gawin ito ng isang beses sa isang araw. Pangalawa, maaari ding gumawa ng face mask gamit ang honey. Ipaghalo ang isang kutsaritang honey, isang kutsaritang lemon juice at isang kutsarang powdered milk. Ihalong mabuti at ilapat sa balat. Hayaan ng sampu hanggang labinlimang minuto at hugasan ng tubig. Gawin ito ng tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.
  • Lemon – Ang lemon ay may Vitamin C na nakakatulong sa pagpapaputi ng balat at nagpapabilis ng pagtubo ng bagong mga cells. Ito rin ay may antioxidant na nakakakinis ng kutis. Paano ba gamitin ang lemon sa pagpapaputi? Una, magbabad ng cotton sa lemon juice at ilapat ito sa mukha. Maaari ding kumuha ng isang hiwa ng lemon at direktang ikuskos ito sa balat ay hayaang maabsorb ng balat ang katas ng lemon. Palipasin ang isang oras bago hugasan ang balat na nilapatan ng lemon. Gawin ito ng isang beses sa isang araw. Nakakatulong ito upang pumuti at maiwasan ang pagkakaroon ng pimples. Pangalawa, mainam na ipaghalo ang tatlong kutsaritang lemon juice at isang kutsaritang turmeric powder. Ilapat ito sa balat at palipasin ang 30 minuto bago banlawan. Gawin ito isang beses sa isang araw. Siguraduhing wala kang sugat kapag inilalapat ito sa balat dahil nagdudulot ito ng hapdi. Mayroon ding ilang tao na sensitibo ang balat kaya hindi rin inirerekomenda sa kanila ang paggamit ng lemon juice upang magpaputi.
  • Aloe Vera – Nakakatulong ang aloe vera na maiwasan ang labis na pangingitim ng balat. Ito ay nakakatulong ding mapanatili ang pagiging maputi ang isang tao. Ang kakayahan ng aloe vera na magbigay ng lamig sa balat ay siyang nagdudulot ng pagbuo ng bagong mga cells ng balat. Narito ang mga bagay na maaaring gawin gamit ang aloe vera upang maiwasan ang pangingitim ng balat. Tanggalin ang balat ng aloe vera at kunin lamang ang malambot at mala-gel na bahagi nito. Ilapat ang gel sa balat at hayaan sa loob ng 30 minuto bago hugasan ng tubig. Gawin ito dalawang beses sa isang araw sa loob ng dalawang linggo.
  • Papaya – Ang papaya ay kadalasang ginagamit ng mga pagawaan ng beauty products sa paggawa ng kanilang produkto dahil sa ito ay natural na pampaputi. Nakapagbibigay din ito ng kinakailangang bitamina ng iyong balat. Paano ba maging maputi at malusog gamit ang papaya? Una, kumain ng papaya. Ang papaya ay isang natural na pampalinis ng katawan. Ang maruming katawan ay nagiging sanhi din ng pangingitim ng balat. Pangalawa, ikuskos ang panloob na balat ng papaya sa iyong mukha at patuyuin. Hugasan ang mukha gamit ang malamig na tubig at punasan hanggang sa matuyo. Gawin ito araw-araw. Mapapansin mo ang kaibahan simula ng paggamit mo nito. Pangatlo, magmash ng papaya at ihalo ito sa isang baso ng lemon juice. Ilapat ito sa iyong mukha at leeg. Hayaan ito ng 30 minuto bago hugasan gamit ang malamig na tubig. Gawin ito ng isang beses sa isang linggo upang mapansin ang pamumuti ng balat.
  • Turmeric – Ang turmeric ay sinasabing epektibo din sa pagpapaputi dahil pinapantay nito ang kulay ng balat. Nagsisilbi din itong antiseptic at antioxidant na nakakatulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng balat. Narito ang isang paraan kung paano magpaputi gamit ang turmeric. Ihalo ang turmeric powder at milk cream upang gumawa ng paste. Ilapat ito sa balat at hayaang matuyo. Hugasan ito gamit ang maligamgam na tubig. Gawin ito isang beses araw-araw.

Maraming bagay pa ang maaaring gamitin upang pumuti. Kung susunding maigi ang mga tips na nakapaloob dito ay magiging matagumpay ang iyong gagawing pagpapaputi ng balat. Kaya masasabi nating ang sagot sa tanong na paano magpaputi ay abot-kamay mo na.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Paano Magpaputi sa Natural na Paraan
4.7 (93.33%) 3 votes

Lazada Philippines