nandito ka
Gamot Sa Pimples: Ano Ba Ang Mabisang Gamot Sa Tigyawat featured Tips Para Gumanda 

Gamot Sa Pimples: Ano Ba Ang Mabisang Gamot Sa Tigyawat

Ang pimples o tigyawat ay nakakaapekto sa balat ng karamihan sa mga teenagers. May mga adulto rin na pinahihirapan parin ng tagyawat. May mga tao na sadyang maswerte na paminsan minsan lang dinadalaw ng tagyawat. Ngunit karamihan sa mga kabataang pinoy, ang tagyawat ay isang pang matagalan at hindi maalis alis na problema. Ang pagkakaroon ng tagyawat lalo na kung ito ay nasa mukha, ay maaaring magdulot ng pagkasiphayo at kahihiyan.

Ang paggamot sa pimples ay nakatutulong din upang mapagtagumpayan ang pangit na mga epekto sa isip at emosyon ng pagkakaroon nito. Bagaman wala naman talagang seryosong maidudulot ang pagkakaroon ng tigyawat sa pangkalahatang kalusugan ng isang tao, ang pamumuhay na may hindi mawala-walang tagyawat ay katulad din ng pagkakaroon ng isang seryoso at pang matagalang sakit.

Sa katunayan, may mga pagaaaral na nagpapakita na ang mga taong madalas na tubuan ng tigyawat ay mas malamang na magkaroon ng depresyon. Kaya’t sinasabi ng mga dalubhasa na bagaman ito ay hindi seryosong sakit, dapat mong gamutin agad ang tigyawat lalo na kung ikaw ay palaging meron nito.

Mga bagay na dapat mong malaman ukol sa tigyawat

Narito ang ilan sa mga susing kaalaman ukol sa tigyawat.

  • Ang tigyawat ay pangkaraniwang problema ng mga teenadyers. May mga adulto ring namomroblema dahil sa pimples.
  • Ang tigyawat ay maaaring pagmulan ng matinding pagkasiphayo at kawalan ng tiwala sa sarili lalo na kung ito ay tumutubo sa mukha.
  • Ang paggamot sa tigyawat ay paggamot din sa emosyonal o sikolohikal na pinsala na maaaring idulot ng di makontrol na pagdami ng tigyawat.
  • Ang mga taong madalas labasan ng tigyawat ay mas posibleng tamaan ng depresyon
  • Ang pagkain ng mga pagkaing gawa sa gatas ay nagpapalala sa tigyawat
  • Para mabawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng tigyawat, irinerekomenda ang paghilamos ng hindi sosobra sa dalawang ulit araw-araw.
  • Ang pagpisa sa pimples ay magpapalala ng problema
  • Ang mga gamot sa tigyawat na mabibili sa mga botika na hindi na nangangailangan ng anumang riseta ay nagtataglay ng benzoyl peroxide, salicylic acid at sulfur.
  • Ang risetang gamot sa tigyawat ay maaaring cream na ipinapahid, antibiotic o laser at light treatment.
  • Ang biglaang pagdami ng tigyawat ay maaaring dala ng stress, sobrang pag aalala, paggamit ng makeup at maruming buhok.

Gamot sa pimples na maaaring gawin sa bahay

Tamang pagkain. Naniniwala ang mga dalubhasa na ang pagkain ng mga malangis at mga produktong gawa sa gatas ay nagpapalala ng tigyawat. Kaya kung gusto mo ng makinis na mukha na walang pimples, kumain ka ng maraming gulay at uminom ng higit sa sampung baso ng tubig araw araw.

Tamang paghugas ng mukha. Maghilamos ng dalawang ulit sa loob ng isang araw, at huwag nang sosobra pa diyan. Siguraduhing banayad na sabon ang gagamitin sa mukha. Gumamit ng maligamgam na tubig. Maging marahan sa paghilod sa balat ng mukha, huwag itong kukuskusin. Bumili at gumamit ng produktong panghilamos na may benzoyl peroxide.

Huwag pipisain ang tigyawat. Ang pagpisa ng tagyawat ay magpapataas ng panganib na mainfect ang balat mo. Ang impeksyon sa pimples ay maaaring seryosong magpabara sa mga pores ng balat na maaaring maging sanhi ng pamumula at pamamaga. Ang pagtiris ng tigyawat ay maaari ring maging sanhi ng pangit na peklat sa mukha.

Iwasan ang paghawak sa mukha. Ito ay simpleng pakinggan ngunit nangangailangan ng matinding pagpipigil sa sarili para maisakatuparan. Subukan mong iwasan ang paghawak sa mukha. Kung ikaw ay gumagamit ng telepono o cellphone, huwag mong hayaang tumama ito sa balat mo para maiwasan ang pagkapit ng dumi o sebo na galing dito. Bago humawak sa mukha, siguraduhing nakapaghugas ka na ng kamay gamit ang sabon.

Kalinisan ng mga kamay. Ang pagkakaroon ng malinis na kamay ay isa sa mga susi para magamot ang tigyawat. Panatilihing malinis ang iyong mga kamay sa pamamagitan ng paghugas gamit ang sabon. Panatilihing maikli ang mga kuko.

Maluwang na pananamit. Kung ang iyong tigyawat ay tumubo sa bahagi ng katawan na natatakpan ng damit tulad ng likod, balikat, o dibdib, kailangan mong magsuot ng maluluwang na damit. Hayaan mong huminga ng maluwang ang iyong balat.

Makeup. Siguraduhing naalis mo na ang iyong makeup bago ka matulog sa gabi. Gumamit lamang ng makeup na nonceomedogenic o nonacnegenic na makikita sa label.

Malinis na buhok. Ang sebo, alikabok at mga dumi sa balat ay naiipon sa buhok. Panatilihing malinis ang iyong buhok sa pamamagitan ng maaayos na pagpaligo araw araw. Sikaping palaging malayo ang buhok sa mukha.

Pagkabilad sa araw. Ang sobrang pagkabilad sa araw ay maaaring maging sanhi ng sobrang sebo sa mukha. May mga gamot sa tigyawat na maaaring maghantad saiyo sa sunburn kaya iwasan ang pagbibilad sa araw.

Tamang pag-aahit ng mukha. Magingat sa pag-ahit ng iyong mukha. Gumamit ng pang-ahit na hiyang saiyo. Bago ka mag-ahit, palambutin ang balbas gamit ang sabon at maligamgam na tubig.

Over the counter na mga gamot sa tigyawat

Karamihan sa mga over the counter na mga gamot sa tigyawat ay naglalaman ng ganitong mga sangkap.

Resorcinol. Ang resorcinol ay nakatutulong para matunaw ang mga blackheads at whiteheads. Ang aktibong sangkap na ito ay siya ring gamit sa mga gamot sa balakubak, eksema at psoriasis.

Benzoyl Peroxide. Ito ay isang aktibong sangkap na umaatake at pumapatay sa mga bacteria at pumipigil sa pagpapalabas ng sebo sa balat. Ang benzoyl ay isang exfoliant sa lumilinis sa maliliit na mga butas ng balat at nagpapababa sa bilang ng mga bacteria na sanhi ng tigyawat.

Salicylic Acid. Ang salicylic acid ay kilalang pamatay fungi. Pinapatay nito ang hindi kanais nais na mga mikrobyo sa balat. tulong din ito para pabilisin ang pagbabago ng balat at paglinis sa mga pores para matanggal ang mga bara na karaniwang sanhi ng pimples. Marami sa mga shampoo para sa balakubak ay nagtataglay din ng salicylic acid.

Sulfur. Ang sulfur o asupre ay isang kemikal na tumutulong para matunaw ang tigyawat. Ang kemikal na ito ay matagal nang ginagamit para gamutin ang mga sakit sa balat tulad ng buni, hadhad, alipunga, tigyawat at iba pa. Hindi tiyak ng mga dalubhasa ang eksaktong proseso kung paanong gamot ang asupre sa mga sakit sa balat. Subalit alam natin na ito ay epektibong gamot sa mga sakit sa balat at lalong lalo na, ang asupre ay mabisang gamot sa pimples.

Kung hindi umubra ang mga pamamaraang nabanggit natin bilang gamot sa tigyawat na maaaring gawin sa loob ng bahay, maghanap ka sa botika ng gamot na may sangkap na gaya ng nakalista sa unahan. Sa kadalasan, ito ay maaaring maging solusyon sa problema mo sa tigyawat.

Kung ang mga ito ay hindi umiepekto saiyo at mapansing mong mukhang mas lumala pa ang iyong problema, huwag mag atubiling pumunta sa iyong dermatologist para sa propesyunal na tulong medikal.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Gamot Sa Pimples: Ano Ba Ang Mabisang Gamot Sa Tigyawat
4.5 (90.97%) 31 votes

Lazada Philippines